Tatlong bagay lang ang naging bisyo ko nung intern ako: pagkain, ligo, at Facebook.
Alam na alam ng mga kasama ko ang tungkol dun sa una; ako yung intern na laging may baon na crackers o biskwit kahit saan. Ako rin yung kapag nakasalubong mo, laging may kinakain na tinapay, taho, o tsokolate. Pagkain lang naman ang panangga ko sa puyat at pambawi ko sa haba ng oras na ginugugol sa gawain naming mga intern. Mabilis ko rin maubos ang alinmang kinakain ko. Marami rami na ring consultant, fellow, at residente ang nakakita sa aking umubos ng kanin at ulam nang di hihigit sa limang minuto. Naging bisyo ko ang pagkain matapos ang isang buwan (ang unang buwan) ko ng paninilbihan sa IM wards na tila naka-NPO ako, at pumayat ako agad ng mga 10 pounds. Sa dami ng kailangan gawin, at sa kaunti naming mga gagawa ng scut work, wala nang oras para kumain. Lalo na kung yung iisang beses na nga ako kakain sa mess hall, di na rin natuloy kasi bago makasubo ng kanin, tumatawag na ang seniors ko. Effective naman na weight loss program, kasabay ng pagtakbo takbo sa loob ng ospital para sa labs, x-ray, at iba pa.
Ang Facebook, panlibang sa sarili, basta may load at kasama yung netbook. Kaya naman yung senior ko nung Pedia, ang bansag sa akin, "Nakatali sa laptop." Oo, wala akong iPod, iPad, Galaxy tab, o kung ano mang mas high end na portable device, kaya nabugbog si netbook at tuluyan nang nama-alam habang nag-review ako para sa boards. Facebook ang pang-alis sa stress matapos, habang, o bago mag-duty. Kapag online, pwedeng kumustahin ang pamilya at kaibigan, para man lang maramdaman ko na may pseudo-social life ako kahit papaano sa labas ng ospital. Nakaka-addict rin naman kasing basahin ang mga mas makukulay na nangyayari sa buhay ng mga kakilala sa loob at labas ng ospital. Mas maigi na yun kasya maglagay ako ng status message na "Q1? Q1 lahat ng pasyente sa Ward 3?!" At siyempre, pang-stalk na rin ang Facebook sa crush ko. Yihee.
Ligo ang pinaka-"the best" sa lahat ng ito. Bukod sa pagtanggal ng germs, dugo, pawis, dumi, at kung anu ano pang nasasagap sa ospital, iniisip ko sana nalulunod na sa tubig yung katoxican ko. Pantanggal ng sumpa o kung ano man yun. (Oo na, toxic na kung toxic. Acceptance is the key daw, sabi ng mga blockmates ko.) Parang yung pamahiin ng pagpag pagkatapos dumalawa sa patay, ganun ang ginawa ko sa pagligo. Iniisip ko na lang sa pagligo, sana kapag nakapag-shampoo ako milagrong gumanda ang buhok ko na parang pang-commercial ng Pantene kahit alam ko na nagkakanda lagas lagas na ito. Sa bawat hilamos ko, kunwari na lang na nabubura ang eye bags ko at kunwari nagiging rosy cheeks ako kahit magkasing kulay na kami ng mga bangkay na kaka-code lang namin. Sa bawat kuskos ko sa kamay ko, iniisip ko na lang, balang araw magiging malambot ulit ito. Kung may luha man na sumasabay sa tubig, eh di tubig na lang din siya. Pagkatapos maligo, pakiramdam ko tao na ulit ako. Tila wala na ang pagod, lungkot, ka-toxican. Refill na ulit ang glamour at ganda. Chos.